Ang susunod na salaysay ay may tema at mga eksenang di angkop sa mga matatapang ang hiya. Mas matinding tapang ng hiya ay kailangan. Ito ay Rated PG!
Pag pulitika na ang tema ng usapan, ang daming pwedeng masabi. May nakakatawa, nakakatuwa, nakakainis, nakakakilabot at yung wala lang. Pero mas makikita mo talaga ang totoong mukha ng pulitika tuwing panahon ng eleksyon.
PULITIKONG GUTOM
Sila ang ibinoboto ng mga mamayan. Mga pulitikong gutom sa kapangyarihan.Hindi naman lahat pero pag kunuha ng Diyos ang mga ito, ilan kaya ang matitira? Sila ang mga nagpapapogi at nagmamaganda tuwing botohan. Mga GGSS - Guapong-guapo/ Gandang-ganda Sa Sarili. Gagawin nila ang lahat mabusog lang ang kanilang diwa sa kapangyarihan ay syempre kayamanan. Hindi naman sa pagiging desperado nila, pero talo nila ang Bangko Sentral sa pamumudmod ng salapi. Sa bisperas ng eleksyon, tila ba merong feeding program sa kampo nila dahil sa haba ng pila ng mga taong makatikim ng kaunting ginhawa. Isang boto, yan ang sine qua non condition para makatanggap ng kaunting biyaya.
Pag nanalo na sa eleksyon at naupo, babawi na yan.Yan mga nabigyan ng pera, akala nila nakaisa na sila sa kandidato. Yun pala nasa pulitiko ang huling halakhak. Ang laki kaya ng gastos. Pero malaki rin naman ang laman ng kaban ng bayan. Ang liit ng sweldo sa gobyerno pero malaki ang kita. Sa tingin mo ang ipinangako nilang ginhawa ay matutupad. Gugutumin ka ulit nila. Sa tingin mo ba pag busog ka e mabibili pa nila boto mo. Mas lalo ka nilang gugutumin para sa susunod na eleksyon e sila ang tila magiging Asyong Salonga, protektado ka na, may money ka pa.
PUBLIKONG GUTOM
Sila ang para bang isang beses sa tatlong taon makahawak ng salapi ng walang hirap na kailangang danasin. Meron pala, Haba ng pila. Sayang ang pagkakataon. Sayang ang kita. Ang mag tao talaga, kung sino may pera siya ang minamahal. Hala, pag eleksyon lahat ng pulitko parang si Kuya Wil. Ang bawat eleksyon ay isang malaking Wowowee. Kahit magkakano papatusin. Ang salaping natanggap, isang boto ang katapat. Panu makakasiguro ang mga pulitiko kung ibiboto nga sila? Nakaisa si Juan. Hindi pala. Nakadalawa si Juan. Parehong kampo napuntahan. Jackpot ika nga. Pero nakajackpot din si Pulitiko. Akala mo ha. Mas naisahan ka niya. Barya lang niya yang natanggap mo. Milyon naman ang makukubra niya sa pwesto.
Sa loob ng tatlong taon magtitiis. Maghihintay. Sana ay eleksyon araw-araw. Umuulan ng salapi. Pero hindi e. Tatlong taon na naman ng tagtuyot. Tatlong taon na naman ng tag-TUYO. Tuyo sa umaga, tanghali, gabi. Purgang purga sa tuyo. Minsan naman e Tag-TOYO. Toyo everyday and everynight. Pagsapit ng halalan, andyan na ang rasyon.
PULITIKANG GUTOM (PANGWAKAS)
Ang sistema ng pulitika sa bansa ay gutom sa kung ano ang tama. Ano nga ba ang tama? Pag nasa pulitika ka, kung ano ang ginagawa ng iba, bakit ka magpapahuli. Kung kaya nila, mas kakayanin mo pa. Walang gusto magpatalo. Ito ang tama para sa kanila. Andumi. Talamak ang patayan. At dahil dito Takot ang namamayani sa bawat mamamayan. Nakanginig nga naman ang takot. Pero mas nakakanginig dahil sa kilabot at pandidiri sa ganitong siste.
Ito ang realidad ng sistema ng pulitka sa bansa. Mahirp nang tanggalin pa ang nakagawiang ito. Ang ugat nito ay sobrang lalim at lago na mahirap nang bunutin pa. Sana parang buni na lang ito. May canesten na hindi lang sa ibabaw ang epekto. Pati ugat ng pangangati ay tanggal. Sana ang pangangating ito na dulot ng mali at maduming sistema ng pulitika ay may katumbas na Canesten para hanggang ugat ay malulunasan. May pag-asa pa. Tayo ang Canesten ng lipunang ito.
-RWN
No comments:
Post a Comment